ni Mariane Charmaine Manungay
Napakahirap bumiyahe mula sa aming tahanan sa Malabon patungong Abad Santos Avenue, Tondo (kung saan naroon ang eskuwela ko). Una sa lahat, tayo ay nasa isang bansa na ang kalagayan ng trapiko ay mabagal at hindi maayos. Ikalawa, ang mga tao ay laging nagmamadali sa pagsakay.
Sa umaga, pag-alis ko sa aming bahay patungong Monumento, inihahanda ko na ang pamasahe ko. Sa dyip, mahirap para sa akin ang kumuha pa ng pera sa loob ng aking bag. Maaaring isa sa aking mga katabi ay may masamang balak. Nagiging alerto ako sa bawat oras ng aking paglalakbay. Hindi ko maiwasang mangamba, minsan na rin kasi akong nadukutan. Ikalawang linggo ko pa lamang noon sa unang taon ko sa kolehiyo,nawalan na agad ako ng cellphone sa biyahe.
Nakakalungkot pero nagpapasalamat pa rin ako dahil hindi ako nasaktan.
Tuwing umaga, hirap akong makasakay. Naghihintay ako nang matagal. Nariyan din ‘yong tatakbo ako para habulin ang mas maluwag na dyip, makikipag-unahan ako sa mga taong nagmamadali rin. Minsan, hindi ko maiwasan ang mainis kasi nariyang ako ay maapakan, maitulak, maipit at mauntog. Minsan, hindi ko na lang pinapansin ang mga ito. Imbis na magalit, ngumingiti na lang ako para makabawas ng init ng ulo. Trapik pa naman dahil sa mga ginagawang kalsada.
Napansin ko ring mula LRT hanggang sa mga dyip ay talagang nag-uunahan ang mga tao sa pagsakay.
Hindi natin maiiwasan ang ganitong sitwasyon lalo’t sa ating bansa, hindi pa ganon kaunlad ang sistema ng trapiko. Nariyan ang pagtutulakan, hindi pagkakaunawaan ng marami sa atin. Kani-kaniyang diskarte para lamang makasakay, para lang makaabot sa takdang oras sa kanilang mga pupuntahan. Nagkalat din ang mapagsamantalang mga tao, na nagdudulot ng malaking abala.
Totoong hindi lang nakapangangamba ang ganitong sitwasyon kundi nakakapagod din. Wala ka pa sa iyong pupuntahan, pagod ka na. Ang dapat lamang na gawin sa mga ganitong sitwasyon ay ang maging maaga upang hindi na makadagdag pa sa trapiko at pagmamadali ng karamihan. Kaya nakakapagod man, pinipilit ko pa ring gumising nang maaga. Kaya lang, hindi naman ito nangyayari sa umaga lang kundi pati sa hapon at hanggang sa pag-uwi.
Nagiging malaking abala na ito sa marami, lalo na sa naghahanapbuhay at nag-aaral. Kaya ang ilan sa atin, maaga pa lang ay mainitin na ang ulo. Lalo na pagsapit ng mga buwan ng Setyembre hanggang Disyembre! Ay, talaga namang napakahirap sumakay sa dami ng mamimili sa Divisoria.
Bilang mag-aaral, parte na ng aking pang araw-araw na buhay ang suliraning ito ng ating bansa.
Mayroon pa kayang solusyon ang mga ganitong sitwasyon? Marahil ay mahirap na itong masolusyunan sapagkat ang ganitong senaryo ay talagang hindi maiiwasan.
Pero umaasa pa rin akong magkakaroon ng kaayusan ang ganitong sitwasyon lalo na iyong sa umaga. Magkaroon lamang ng pagbibigayan at disiplina sa pagsakay sa LRT, bus, at dyip. At maging maagap at alerto sa masasamang loob sapagkat maaari kang maging isa sa kanilang mga biktima.
No comments:
Post a Comment