Saturday, March 8, 2014

Lunes


ni Irvin Hudson C. Chen
Hay! Lunes na naman. Unang araw ng linggo. Wala akong magagawa, ganon talaga ang mundo. Nagsisimula ang trabaho o pasok sa paaralan tuwing Lunes.

Nakakatamad. Parang hinihila ka ng higaan mo, parang sinasabi nitong, “matulog ka pa.” Kaso kailangang tumayo, e. Wala akong magagawa.

Pag-alarm ng aking cellphone, tiningnan ko kung anong oras na. Alas-5:30 na ng umaga. Uupo ako at tatanggalin ko ‘yong charger sa cellphone.

Matutulog ako ulit.

Maya-maya, may gigising na sa akin. ‘Yong kasambahay. (Para hindi matuluyan ang himbing ng tulog ko pagka-alarm ng cellphone, nagpapagising ako sa aming kasambahay.) Tatayo ako para kunin ang aking panyo, sando, at medyas sa drawer. Lalabas ng kuwarto para kunin ang aking polo at pantalon sa isa pang drawer. Bababa ako at papasok sa kubeta. Haharap sa salamin, titingnan ang ang sarili ko at magtatanggal na ng aking mga damit. Maliligo na ako. Pagkatapos, patutuyuin ko ang aking sarili gamit ang tuwalya. Tapos magsisipilyo ako. Habang nagsisipilyo ako, naghahanda ng aking agahan ang kasambahay. Magtitimpla siya ng Milo at magluluto ng itlog.

Pagkalabas ko ng kubeta, kakain na ako. (A… bale, hubad kang kumakain? –Editor) At pagkakain, lalabas na ng gate namin. Kukunin ko ang earphone sa bag at ilalagay sa tenga ko para makinig ng mga kanta. Habang naglalakad ako papunta sa sakayan sa unang kantong madadaanan ko, makakasabay ko ang mga estudyante ng Potrero National High School, Malabon.

Habang naglalakad iisipin ko kung saan ako sasakay. Sa unang kanto o sa McArthur Highway? Pag sa unang kanto ako. sasakay, mahihirapan ako dahil kakaunti ang dyip papuntang Victory Mall (kung saan ako bababa) at puno pa ang mga dyip na ito. Tsambahan lang na ang makapuwesto. Pag sa McArthur Highway naman, marami ngang dyip, marami din naman ang tao.

Isang Lunes, sa ganitong paraan ako nakapagdesisyon. Sa unang kanto, pag may dumaan na dalawang dyip at hindi pa rin ako nakasakay, pupunta na lang ako ng McArthur. Kaya pagdaan nga ng dalawang dyip, naglakad na ako hanggang McArthur Highway. Doon ako naghintay. Maraming dyip papuntang Recto pero puro puno.

Pagkalipas ng limang kanta mula sa aking earphone, hindi na ako makapaghintay pa. Baka ma-late ako kaya sumakay na lang ako ng dyip papuntang LRT. Pagdating doon, nahirapan pa rin akong sumakay ng dyip kasi madami pa ring tao. Pabalik-balik na ako sa aking kinatatayuan.

Nalalagpasan ako ng dyip, minsan naman, nalalagpasan ko sila. Inisip ko kung sasabit ako o maghihintay pa. Nang mapagdesisyunan ko nang sumabit na lang, biglang may huminto na dyip na kaunti lang ang laman. Doon na nga ako nakasakay.

Nagbayad ako ng 13 pesos. Sakto. (Minsan, bente ang ibinabayad ko. Hindi ako nagbabayad ng 50 pesos o higit pa. Natatakot ako na baka hindi ako masuklian pag nakaabot na ako sa Padre Algue, ang kalyeng bababaan ko.)

Tiningnan ko ang mga kapasahero ko at baka may kakilala ako. Pagkatapos niyon, lumingon na ako sa bintana, tumingin sa labas. Malas nga dahil sa bandang gitna ako nakaupo, hindi sa may pinto. Ayaw ko sa gitna o sa bandang harapan, malapit sa driver, kasi nakakangawit sa leeg kapag tumitingin sa labas ng bintana.

Pagdating sa 5th Avenue, madaming bumaba. Hindi sila sa LRT Monumento bumaba dahil sa dami ng tao na nakapila para makasakay ng LRT. Puro siksikan!

Madami ba talaga ang tao sa Maynila o kulang lang ang tren papuntang Baclaran? O lahat ng tao, trip lang sumakay ng tren tuwing Lunes? Bakit sa ibang bansa, marami ding tao pero di ganon kahaba ang pila? Baka maayos silang pumila? O baka wala talagang nangyayari sa bansa natin? Ano talaga ang magulo, ang tao o ang gobyerno? May ginagawa ba sila para maging malinis at maging maayos ang transportasyon sa Pilipinas?

Paminsan-minsan, naiisip kong subukang magbisikleta papuntang eskuwelahan. Pero may isang problema: walang parkingan ng mga bisikleta sa PCC. Kahit sa ibang lugar na malapit sa eskuwela, wala. Buti pa sa ibang bansa, may parkingan para dito. Ang Pilipinas ay parang walang paki sa mga nagbibisikleta. Walang parkingan, wala ring bicycle lane. Sa iba lang meron.

Nang malagpasan na namin ang 5th Avenue, tuloy-tuloy na ang kalsada papuntang Divisoria. Nahihinto lang kami sa Mayhaligue dahil sa traffic. Ayaw magbigayan ng mga tao sa pagdaan at minsan pa, sira ang stop light. Isang beses, sinubukan kong lakarin mula Mayhalige hanggang sa eskuwela, sa PCC (Abad Santos Avenue). Natuklasan kong di naman sira ang stop light. Maluwag ang daan, ayaw lang magbigayan ng mga driver kasi ‘yong stop light, mabilis magpalit ng kulay. Hindi sila nakakaandar agad.

Dumating ako ng eksaktong 7:30 para sa klase. Pagkatapos ay uuwi rin ako agad pagdating ng 10:30 ng umaga.

Hay! Lunes na naman. Unang araw ng linggo. Wala akong magagawa, ganon talaga ang mundo.

No comments:

Post a Comment