Saturday, March 8, 2014

Tatlo-tatlo

ni Wrenz Martin Pascual

Araw-araw, maliban sa Biyernes at Linggo, ay bumibiyahe ako mula sa aming tahanan sa Valenzuela hanggang Philippine Cultural College sa Abad Santos, Tondo.

Naglalakad ako hanggang sa kanto ng subdivision namin at doon ako maghihintay ng dyip na Divisoria. Madalas ay 10 hanggang 15 minuto akong naghihintay. Gustong-gusto ko ‘yong pagsakay ko ng dyip, wala pang pasahero, dahil malaya akong makakapili kung saan ako uupo. Ang pinakagusto kong puwesto ay sa dulo ng dyip dahil mabilis akong makakababa pagdating sa eskuwela.



Ayoko ng pang-umagang klase dahil mahirap sumakay pag umaga. May pasok ang mga tao lalo na ang tulad kong estudyante. Kinakailangan din nilang pumasok nang maaga sa paaralan. Hindi tuloy maiiwasan ang siksikan sa dyip. Eto pa naman ang pinakaayaw ko sa pagsakay dahil nahihirapan akong makasakay at makaupo.

Kapag hapon naman ang klase ko, masaya ako dahil mahimbing ang aking tulog sa umaga. Nakakatipid pa ako dahil sa bahay na ako kakain ng agahan at tanghalian. Hindi rin siksikan sa dyip.

Malayo-layo ang aking biyahe. Madalas, inaabot ako ng dalawang oras para makarating sa eskuwela. Tatlong bayan ang dinadaanan ng dyip na sinasakyan ko: Caloocan, Malabon at Maynila. Ang pinakamaikling biyahe ay 45 minutos. Masaya ako kapag saglit lang ang biyahe dahil hindi ako pinagpapawisan at hindi masyadong boring ang biyahe. Ayokong pinagpapawisan dahil pagdating ko sa eskuwela, hindi na magaan ang aking pakiramdam.

Sa tuwing papasok ako ng eskuwela, nagdadasal ako na sana may makasabay akong ka-eskuwela ko rin para may kakuwentuhan ako. Kapag wala akong kasabay na kakilala, madalas nakikinig lamang ako ng kanta upang malibang ako kahit paano. Minsan ay nakakatulog din ako. Gusto ko rin na may kasama sa biyahe dahil minsan, sila ang nagbabayad ng aking pamasahe.

Isang beses pa lang akong may nakasabay na kaklase. Sabado iyon at medyo trapik pagdating ng Potrero, Malabon. Tumigil ang dyip at mga kaklase ko pala ang sasakay. Pagsakay nila, nagkakuwentuhan kami.

Tuwang-tuwa ako sa biyahe na ‘yon dahil may kakuwentuhan ako at di ako nabagot kahihintay na marating ang eskuwela. Nilibre din ng pamasahe ng mga kaklase ko. Ikinasaya ko itong talaga. Dahil nang araw na iyon, kulang ang dala kong pera. Ang sarap malibre ng kaklase. P21 din ‘yon, malaking tulong iyon para sa aking pinag-iipunan na bagay.

Ang mga ayaw ko kapag bumibiyahe ako ay:

1. ‘yong matinding trapik dahil nga pinagpapawisan ako,

2. punuan na dyip dahil ayokong nasisiksik, at;

3. ‘yong madadayang drayber na minsan hindi nagbabalik ng sukli, minsan naman ay sobra sa singil, akala mo napaka-special ng dyip nilang karag-karag. (Ayoko lang makipagtalo sa mga drayber dahil naiisip kong kakarmahin din sila. Mahirap mainis sa umaga. Paniguradong sira na ang araw ko.)

Noong 1st semester pa lang, solid na dalawang oras ang biyahe ko dahil sa mga ginagawang kalsada. Pagdating pa lamang sa may Monumento, may ginagawa nang kalsada. Pagdating naman sa 5th Avenue ay may ginagawa ulit na kalsada, mayroon din sa 3rd Avenue at ang huli ay sa R. Papa Street. Pero paglagpas sa R.Papa St., mga 15 minuto na lang ay nasa eskuwelahan na ako.

Pagdating ay bibili muna ako ng inumin dahil sa pagod sa mahabang biyahe.



Sa totoo, tatlo naman ang aking opsiyon papuntang eskuwela:

1. sa kanto ng subdivision namin, sasakay ako ng dyip na Divisoria,

2. rutang Retiro, mula bahay ay sasabay ako sa aking mga kapatid na inihahatid sa 8th Avenue, Caloocan City. Pagkahatid sa kanila ay ihahatid na ako sa may Retiro. Doon ako maghihintay ng dyip na Divisoria. Kapag nakasakay na ako, magbabayad ako ng sampung pisong pamasahe. Dalawampung minuto lamang ang biyahe. Mas mabilis at mas mura ang rutang ito kaya mas gusto kong sumasabay sa aking mga kapatid tuwing umaga. Tipid na sa pamasahe, hindi pa ako ganon kapawis pagpasok sa eskuwela, at higit sa lahat ay hindi ako mamomoblema kung paano at gaano ako katagal na maghihintay ng aking masasakyan, at;

3. rutang LRT, mula sa bahay ay maglalakad ako sa kanto at sasakay ng dyip na Pier15, LRT o Recto. Pagbaba ko sa Monumento ay aakyat ako sa LRT Station at bibili ako ng LRT card hanggang Bambang. Dito pa lang, maraming tao na rin ang nagmamadali at nagsisiksikan para lamang makasakay. Pati rin ako ay nakikipagsiksikan. Kung minsan ay wala ka nang magawa kundi makipagbalyahan para lang makasakay agad sa LRT. Pagkababa ko ng Bambang Station, lalakarin ko na hanggang PCC. Malayo-layo rin ang lalakarin ko. Madadaananan ko ang iba pang mga eskuwelahan.

May mga pribado at pampublikong eskuwelahan. May mga Chinese school sa Manila. Nariyan din ang Metropolitan Hospital. Mas pinili kong maglakad na lamang mula Bambang hanggang PCC dahil kapag tricycle ako ay P40 pesos ang sisingilin sa akin. Masyado itong mahal. Bakit kailangang sumakay muli kung may paraan naman upang ako ay mas makatipid? Kaya ko namang lakarin. ‘Yong P40 na ipambabayad sa tricycle ay ipambibili ko na lamang ng inumin o di kaya ay pagkain sa canteen pagdating ko sa eskuwela.

Sa mga opsiyon ko papuntang PCC, ang pinakagusto ko ay ang rutang Retiro dahil ito ang pinakamabilis at pinakamura sa tatlo.

No comments:

Post a Comment