ni Gerome Go Chang
Noong bisperas ng Chinese New Year ay sumama ako sa parade ng aming eskuwelahan sa Ongpin.
Pagkatapos ay nagbantay ako ng aming tindahan sa kalyeng iyon. Halos buong araw ang ibinuhos ko sa pagbabantay upang makatulong kaya gabi na rin akong nakauwi.
Ang pamilya namin ay doon na rin nagdiwang ng bisperas dahil pagkatapos naming magbantay ng tindahan, naghapunan kami sa isa sa mga kainan sa Ongpin. Hindi na rin kasi kami makakain noong nagbantay kami dahil sa dami ng tao sa aming tindahan. Ang aming ibinibenta ay mga pampasuwerte na kadalasang pakay ng mga taong dumarayo pa sa Chinatown pag Chinese New Year.
Ang mga tindahan ng mga pampasuwerte ay punong-puno. Sari-saring palamuti at kung ano-anong mga kakaibang paninda ang nagkalat sa Chinatown. Bato, halaman, pulseras, pigurin, mga pansabit, papel at marami pang iba. Mayroong palamuting para makaakit ng suwerte sa pag-ibig, iba pa ‘yong para makaakit ng pera, at iba pa ‘yong para sa kalusugan. Masuwerte nga raw ang kulay na berde at mga pigurin ng kabayong nakataas ang paa. Nagpapahiwatig daw ito ng tagumpay sa anumang aspekto ng buhay. May mga palamuting pampasuwerte din na nakadepende sa kung anong taon ka ipinanganak sa Chinese Zodiac. Pero para naman sa mga tao na malas sa taon na ito ng kabayo, may mga pangontra din na mabibili.
Mabenta rin ang mga bilog na prutas dahil may suwerte din daw na matatagpuan sa korteng bilog tulad ng ponkan, peras, melon, longgan at ubas. Narito din ang pinakasikat na pagkain sa bagong taon. Di ito nawawala sa hapagkainan ng mga Tsino pag bagong taon. Iyan ay ang tikoy. May kahulugan ang pagkaing ito na hango sa salitang “Nian gao.” Ang ibig sabihin ng “nian” ay taon, at ang “gao” naman ay sumisimbolo sa pagtaas. Ang kabuuang kahulugan nito ay pagtaas o pag-unlad ng sarili taon-taon. Sa maikling salita, masuwerteng taon. Maaari din namang kainin ito kahit anong araw sa buong taon ngunit mas sikat ito pag Chinese New Year. Para itong bibingka, iyon nga lang, ang tikoy ay malagkit at matamis.
Ayon sa mga kuwento, ang pagkain ng tikoy ay pinaniniwalaang isang uri ng offering sa Diyos ng Pagluluto. Ang layunin mo raw dapat ay mapuno ng pagkaing ito ang iyong bibig. Nang sa gayon ay hindi mo maibubuka ang iyong bibig at para hindi ka makakapagsalita ng mga di magandang bagay tungkol sa Jade Emperor, ang diyos ng diyos ng lahat.
Tuwing bisperas ng Chinese New Year, ganito ang aming ginagawa. Nakasanayan na rin namin ito dahil family business ito ng aking lolong yumao na. Nagmimistula na ring family reunion namin ito. Nagkikita-kita kami ng aking mga pinsan , tiyuhin at tiyahin dahil pati sila ay nagbabantay din ng tindahan sa ganitong panahon. Kahit tuwing gabi lang kami nagkakaroon ng panahong magpahinga at talagang magka-usap-usap ay masaya kami. Buo ang pamilya namin at mga kamag-anak. Nagtutulong-tulong pa rin kahit napakaraming taon na ang lumipas.
No comments:
Post a Comment