Saturday, March 8, 2014
Batang Divi
ni Joshua S. Vacal
Pagkagising ay babangon ako.Bubuksan ko ang aking radyo upang makinig ng kanta. Pagkatapos, ihahanda ko ang aking uniporme at mga dadalhin sa eskuwela.Pupunta na ako ng banyo upang maligo.Pagkaligo, magbibihis at papasok na.Lalabas ako ng gusali kung saan kami nakatira.Maglalakad na ako mula bahay hanggang eskuwela.
Oo, totoo ang aking sinabi. Ako ay naglalakad lamang mula bahay hanggang Philippine Cultural College kasi malapit lang ito sa amin. Kung sasakay pa ako ng kuliglig o side car, mag-aaksaya lang ako ng pera. Nasa 50-70 pesos ang bayad, minsan mas mataas pa.
Paglabas ko, Carmen Planas Street iyon, marami akong madadaanang tindahan ng damit pambata, stainless na gamit at iba pa, magbubukas pa lang ang iba sa kanila.‘Yong iba, sarado pa at ‘yong iba naman,napapaligiran ng mga empleyadong naghihintay sa kanilang mga amo. Marami rin akong nakakasalubong na mga estudyanteng tulad ko.Iba-iba ang uniporme kasi iba’t iba ang pinapasukang eskuwela tulad ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, Universidad de Manila at Lyceum of the Philippines University.
Marami din akong nakakasalubong na may trabaho na.‘Yong iba, naka-uniporme ng McDo at Jollibee. At ‘yong iba naman, hindi naka-uniporme. Araw-araw, marami akong nakakasalubong.‘Yong iba, kakilala ko mula sa dati kong high school.Pero karamihan ay hindi.‘Yong iba, nagmamadali.‘Yong iba, parang naglalakad lang sa parke.Minsan, grupo sila kung maglakad. Minsan naman, pares lang. ‘Yong magkasintahan. ‘Yong iba, may ngiting bumabalot sa kanilang mukha at ‘yong iba,mukhang may kalungkutang nadarama. Siyempre, hindi ko alam kung bakit. Dalawa ang lagi kong pinagpipiliang daanan papunta sa eskuwela.
Pag maaga ang aking pasok, naglalakad ako sa kahabaan ng Claro M. Recto Avenue. Paglabas ko ng gusali namin, ang Zosima Building, may madadaanan akong dalawang carinderia. Kakanan na ako pagkalampas doon. Tapos madadaanan ko ang Duchess Bakery. Bata pa ako ay nakatayo na ito sa ibabang bahagi ng gusali.
Habang tinutumbok ko ang kahabaan ng Recto, sari-sari na ang tindahang makikita. Iba-iba ang tinda tulad ng kaldero, kubiyertos, kamiseta. May madadaanan ko rin ang Fiesta Shopping Mall.
Mayroon din akong nadadaanan na McDo. Lagi akong napapatingin sa M Dessert Station nito, ‘yong tindahan ng ice cream. Nakikita ko kasi ang reflection ng aking mukha kasi salamin iyon. Sa tabi niyon, may bagong bukas na Mang Inasal. Kapag umaga, dine-deliver ang mga frozen meat na kanilang niluluto o iniihaw maghapon. Umuusok ang likod ng truck dahil sa sobrang lamig ng mga pagkain sa loob nito.
Kapag nakalagpas na ako sa KP Tower, ako ay kakanan pa-168 Shopping Mall para makaiwas sa usok ng mga sasakyan. Pag sa kabila kasi ako dumaan, mahihirapan akong maglakad. Maraming dyip doon. At doon din ang direksiyon ng init ng araw.
Hindi ako papasok ng 168 Shopping Mall dahil sarado pa ‘yon. (At baka rin tuloy-tuloy na ako sa pagsa-shopping pag pumasok ako doon.) Pero bukas na ang Jollibee at Chowking sa ibaba ng 168. Kapag dumadaan ako sa gilid ng Jollibee at saktong nakabukas ang pinto nito, ako ay natatakam. Naaamoy ko ang bango ng kanilang niluluto. Para ngang naiinggit ako sa mga kumakain doon. (Pero kapag ako na ang kumakain doon, ay, wala lang. Hindi ko maintindihan kung bakit.) Ilang kaliwa’t kanan pa at pagtawid-tawid, makakarating na ako sa overpass at malapit na malapit na ako sa PCC.
Kung hindi naman maaga ang aking pasok, doon ako sa isa pang daanan.
Paglabas ko ng gusali kung saan kami nakatira, along Carmen Planas St., kakanan agad ako sa kanto. Madadaanan ko rito ang mga nagtitinda ng prutas mansanas, ubas at ponkan. (Mura lang dito kaya dinarayo talaga ang mga tindahan lalo na sa gabi.Kung malapit na ang bagong taon, sobrang sikip na dito at ang hirap nang dumaan sa dami ng tao.) Papasok ako sa maliit na kalye, ang Chavez Street na tadtad ng tindahan ng prutas at ipit sa buhok. Tapos lalabas ako sa kalye ng Tabora. Maraming nagtitinda rito ng stainless na gamit, costume at damit. Paglakad ko pa nang kaunti, matatanaw ko na ang Divisoria Mall. Sikat na sikat ito noon dahil dito matatagpuan ang pinakamurang bilihin. Kaya lang ay nasunog ito noong nakaraang taon.
Maglalakad pa ako nang kaunti para marating ang kalye na Juan Luna. Kakaliwa ako pa-Sta. Elena St. kung saan naroroon ang aking alma mater mula kinder hanggang high school, ang Tiong Se Academy. Sister school din ito ng PCC. Ang Tiong Se ang pinakamatandang chinese school sa Pilipinas. Itinatag ito noong 1899.
Pagkatapos ay papasok ako sa balwarte ng City Place, ang mall na malapit sa Tiong Se. Sa ilang minutong paglalakad, matatanaw ko na ang 999 Shopping Mall.
Ilang kaliwa’t kanan pa at pagtawid-tawid, makakarating na ako sa overpass at malapit na malapit na ako sa PCC, ang aking eskuwela.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment