Saturday, March 8, 2014

Kasabay ng Countdown sa China



ni Janelyn Choi

Tuwing Chinese New Year, nagluluto kami ni Mama ng iba’t ibang putahe para gawing alay sa mga mahal namin sa buhay na namatay na. Pagkatapos naming maghanda ng pagkain, ihahanda namin ang mga susunuging papel. “Kim” ang tawag dito. Para daw kasing pera iyon para sa mga patay at bahagi ito ng pagbibigay ng respeto sa kanilang mga namatay na.

Dahil pure Chinese ang aking papa, madalas kaming pumunta ng Temple para magdasal at mag-alay ng mga prutas sa altar. Madalas kaming pumunta sa bahay ng isa sa mga kapamilya namin para sa isang maliit na salusalo. Gaya ngayong taon na ito, dumalo kami nina Mama at Papa sa bahay ng aking ninang para kumain ng napakaraming masarap na putahe. At siyempre, hindi mawawala sa tradisyon ang magbigay at makatanggap ng maliliit na aguinaldo galing sa pamilya namin. Hindi rin mawawala ang masasayang gawain gaya ng pagkanta ng mga Chinese na kanta o kaya ang panonood ng mga palabas na tampok sa Chinese New Year. Kasabay ng Countdown sa China ay naghihiyawan kami para madama ang bagong taon at ang bagong simula ng angkan namin.

Dito sa Pilipinas, nauso na rin ang Chinese Dragon Dance pati na rin ang Lion Dance. Kadalasang mga Pinoy na rin ang gumaganap dito dahil ginagawa nila ito bilang pangkabuhayan na rin nila.

Halos nagagaya na rin ng mga Pilipino ang kultura ng mga Chinese tulad ng pagkain ng tikoy o kaya ng xiong wan yi (peanut ball) at ng huat ke (parang cake ng Chinese, kulay dilaw ito).

Hindi na rin nawala sa mga Pilipino ang tradisyon na pagpapaputok sa Countdown para sa Chinese New Year, pati ang pagbibigay ng mga Ang Pao sa mga mahal nila sa buhay.

Nauso na rin sa mga Pilipino ang Chinese Zodiac Sign. Minsan ay dito na rin nila naibabatay ang kanilang buhay-pag-ibig, negosyo o kaya kalusugan o kung mamalasin o susuwertehin sila
sa taon na ito. Binabanggit na rin dito kung anong kulay ang karapat-dapat para sa isang tao o kaya kapag medyo sosyalin naman ay mga magagarang bato ang ipapakita sa iyo ng mga nagbibigay ng kapalaran batay sa Chinese Zodiac Sign. Sabi nila, suwerte iyon pero hindi ako naniniwala minsan sa mga ganon. Dahil nasa ating kamay naman ang kapalaran at kaya natin itong baguhin kahit kailan.

Nitong Enero 31, 2014, nagkaroon ng salusalo sa may harap ng Binondo Church kasama kaming mga estudyante ng PCC. Nilibot namin ang buong Chinatown. Napansin kong hindi lamang mga purong Chinese ang dumadayo doon kundi pati ang mga half Filipino-Chinese at purong Filipino na rin.

Napansin ko rin sa salusalo ang pagkakaisa ng mga tao. Naramdaman ko rin na walang tinitingnan na lahi o kung ano man ang araw na iyon.

Sa loob mismo ng Lucky China Town Mall, nakakita kami ng isang artwork na gawa sa chopstick. Nakabuo ito ng imahen ng isang kabayo. Namangha ako sa galing ng gumawa nito at dahil na rin sa hilig ko sa iba’t ibang imahen o artwork.

Namangha rin ako sa dami ng tao na pumunta sa parade at sa loob ng mall. Napuno ang mga kalsada ng kulay na pula dahil sa mga damit ng tao. Napahanga rin ako sa nakita kong mga batang musmos na gumamit lamang ng kakaibang lalagyan ng prutas at isang mahabang tela at isang lata para magaya ang Lion Dance. Kung para sa ibang tao ay walang kuwenta ang ginagawa nila o kaya kabastusan ito, para sa akin, nakakataba ito ng puso dahil naipapakita ng mga bata na kahit wala silang pera para sa materyales na ginagamit mismo sa pagsayaw ay nakaisip pa sila ng ganoong estilo para mapasaya ang mga tao.

Kahit na pagod kaming lahat, masaya pa rin itong karanasan para sa amin. Hindi lang kultura ang natutunan namin, natuto rin kaming gawing pagkakataon ang Chinese New Year para magkaroon ng bagong kaibigan.

No comments:

Post a Comment