Saturday, March 8, 2014

Katahimikan, Kadaldalan, Kaibigan


ni Jemlyn B. Salvado

Ako iyong tipo ng taong hindi palakaibigan. Iyong tipong hindi magsasalita kapag hindi ako kakausapin. Kung sino lang iyong pumapansin at kumakausap sa akin, ‘yon lang ang pinapakisamahan ko. Subalit depende pa rin sa ugali ng taong kumakausap sa akin. Siyempre, kinikilala ko muna siya.

Kung grupo ang kumausap sa akin, madalas, pinapakisamahan ko sila sa kung ano ang gusto nilang gawin o kung saan nila gustong pumunta pero ganon pa rin ako, madalas na hindi kumikibo, lalo na kapag hindi ko nagustuhan ang ugali ng kausap ko. Kaya nagsasalita lang ako kung may nagtatanong sa akin.

Noong mga unang araw ng klase, tahimik lamang ako. Kinaibigan ako nina Camille Deidree, Danica, Phoebe Chloe at Christine. Sila ang una kong mga kaibigan sa Philippine Cultural College. Marami silang lakad na pinupuntahan at lagi nila akong niyaya. Kaya sila ang kasama ko tuwing nagtatanghalian at namamasyal.

Si Camille ay maganda, palakaibigang tao at mabait. Nasasabihan ko rin siya kapag may problema ako. Si Phoebe Chloe naman ay tahimik noong una. Nakilala ko siya noong oryentasyon. Nang magtagal, madaldal pala siya at matulungin. Si Danica ay mabait pero medyo mataray. Mahiyain din siya kapag hindi niya masyadong kalapit ang isang tao. Si Christine ay mabait at palakaibigan din. Mahilig siyang magpatawa, lagi niyang pinapatawa noon ang aming grupo.

Masaya silang kasama kaso, minsan, naiinis na sila sa akin dahil ang tahimik ko raw. Nahihiya kasi ako sa kanila. Masyado silang sosyal at hindi ako komportable sapagkat hindi ko sila kayang sabayan.

Dalawang buwan lang kaming nagkasama-sama. Humiwalay na ako sa kanila at naging kaibigan ko naman sina Fresly at Pet. Nakasama ko rin silang mamasyal. Naging madaldal ako noong sila ang kasama ko at hindi na rin ako nahihiya dahil simple sila at nakakasundo kong talaga. Masayahin din sila, lagi kasing nagpapatawa si Pet.

Sa ngayon, hindi ko na sila madalas na nakakasama, Pero nagkukuwentuhan pa rin kami kapag may libreng oras sa eskuwela. Hindi ko kasi sila kapareho ng kurso. BS Information Technology ang kurso nila, BS Hotel and Restaurant Management ang kinuha ko. Mahilig akong magluto. (Gusto kong magkaroon ng sariling restaurant pagdating ng tamang panahon at pag kaya ko nang magpatakbo ng restaurant.)

Sa kasalukuyan, JeRiAnNS ang tawag sa grupo ng pinakamatalik kong mga kaibigan. Ang JeRiAnNS ay mula sa pinagsama-samang pangalan ng bawat isa sa grupo. Ang Je ay nakuha sa pangalan kong Jemlyn. Ang Ri ay mula sa pangalan ni Rizza Mhae. Ang An ay galing sa Anjanette. Ang N ay mula sa Nouvelle at ang S ay galing sa Shiella Mhay.

Naging mas masaya ako sa piling nila dahil wala silang arte. Hindi rin ako nahihiya kapag kasama sila. Halos magkakapareho ang gusto namin, halimbawa ay kung saan kakain at kung saan pupunta, kaya komportable ako.

Si Rizza ay kumukuha ng kursong BS Tourism Management. Nakatira siya sa Caloocan. Mahilig siya sa damit at sapatos. Mahilig din siyang mag-Facebook para tingnan ang larawan ng hinahangaan niyang mga artista. Isa si Rizza Mhae sa mga nakilala ko noong unang araw ng klase. Kinausap niya ako at nagpakilala siya sa akin kasama si Aprillin. Magkaklase raw sila noon sa isang hayskul ng mga Tsino. Unang beses ko pa lang na nakakausap si Rizza ay alam ko nang napaka-palakaibigan niya. Sabi niya, kung gusto ko raw sumama sa kanila ay okay na okay daw iyon. (Ngunit hindi nga ako nakasama sa kanila sapagkat nauna kong naging kaibigan sina Camille. Nahihiya naman ako kung sasama pa ako sa grupo nina Rizza at baka magalit at kung ano pa ang masabi nina Camille sa akin. Kaya noong hindi na ako sumasama sa grupo nina Camille ay nagpunta na ako sa grupo nina Rizza.)

Noong una ko namang makita si Kristine Nouvelle ay inakala kong suplada at maarte ito. Ngunit nang magtagal ay nagkasundo kami sa lahat ng bagay tulad ng hilig sa papanoorin at musikang papakinggan. Pareho din kaming mahilig gumala kung saan-saan. Hindi kami magkapareho ng kurso subalit kaklase ko siya sa lahat ng asignatura noong una at ngayong ikalawang semestre. BS Tourism Management ang kinukuha ni Kristine. Gusto raw niyang maging tour guide pagkatapos. Labimpitong taong gulang si Kristine at naninirahan sa Caloocan. Mabait at masunurin siya sa kanyang mga magulang at kahit sa amin na mga kaibigan niya. Mapagbigay din siya. Sa kanya ako nagpapatulong minsan kapag may mga asignatura kami tulad ng paggawa ng reaction paper. Dahil wala akong kompyuter sa bahay at minsan, puno ang library kung saan ako gumagawa ng mga asignatura, nakikiusap ako sa kanyang i-type ang reaction paper ko sa kanilang kompyuter.

Nang una ko namang makilala si Anjanette, tahimik lamang ito. Hindi rin nagsasalita kapag hindi tinatanong o kinakausap. May pagkamataray minsan (ngunit depende sa sitwasyon). Taga-Bulacan si AJ (ang kanyang palayaw) ngunit tumutuloy siya ngayon sa Sto. Domingo St., Quezon City sa kanyang tiyahin. Tulad ko, siya rin ay isang iskolar ng Philippine Cultural College sa kursong Hotel and Restaurant Management. Siya ay maglalabingwalong taong gulang ngayong ika-labingwalo ng Pebrero. Masipag siyang mag-aral at hindi lumiliban sa klase. Siya ay responsable sa anumang pinapagawa ng guro o ng kanyang tita. Mahilig siyang magbasa sa Wattpad kapag mayroon siyang libreng oras. Mahilig din siyang mag-dekorasyon ng cake.

Si Shiella Mhay ay mabait na kaibigan. Mahilig din siyang manlibre ng pagkain lalo na kapag kinakapos kami sa baon. Minsan, isa siya sa nag-aabono kapag namamalengke kami para sa lulutuin namin sa aming culinary subject (na hawak ni Chef Ventura Ermetanio). Si Sheillah ay nakatira sa Pasay kasama ang kanyang ina (hiwalay na ang kanyang mga magulang). Mahilig siyang gumastos para sa mga bagay na hindi niya kailangan at para sa mga bagay na ibinibigay niya sa mga kaibigan. Mahilig din siyang maglaro ng mga gadget.

Naging sobrang madaldal ako sa grupong ito. Sila ang kasama ko sa lahat ng saya. Magkaramay kami sa lahat ng problema. Nagsasabihan kami ng mga problema kahit tungkol lang sa paggawa ng mga asignatura. Sabay-sabay kaming nag-aaral kapag may mahabang pagsusulit at nagtutulungan kami kapag may mga proyektong tulad ng mga pananaliksik at pagkumpleto sa mga kahingian upang makapasa sa isang kurso.

Sobrang laki ng aking pasasalamat ko sa Poong Maykapal na nakilala at dumating sa buhay ko ang JeRiAnNS.







No comments:

Post a Comment