Saturday, March 8, 2014

Ang Mga Tao sa Aking Paligid


ni Karl Alberto R. Uy, isinalaysay kay Alyssa Marie R. Uy

Maliit pa lamang ako ay iminulat na ako ng aking mga magulang sa halaga ng edukasyon kaya kahit hindi ako ang pinakamatalino sa klase ay pinagsisikapan ko pa ring magkaroon ng maayos na grado.

Ito lamang ang pamanang maiiwan sa akin ng aking mga magulang na hindi mananakaw ng sinuman.

Hindi naging madali para sa akin ang high school pero pinilit ko itong tiisin dahil gusto kong makatapos ng kolehiyo. Naniniwala akong makakatulong ako nang malaki sa aking pamilya kung ako ay makakatapos ng kolehiyo. Pinili ko ang kursong Hotel and Restaurant Management dahil sa hilig kong kumain. Lagi rin akong tumutulong sa Mama ko sa pagluluto niya. Malaki ang impluwensiya ng Mama ko sa kursong kinuha ko. Ako ang numero unong tagahanga ng kanyang luto. Ang pagkuha ko ng ganitong kurso ay siguradong malaking tulong sa pangarap kong magkaroon ng sariling restawran.

Simula pa lamang noong elementarya ako sa Philippine Tiong Se Acadeny (dating pangalan ng TSA) ay gusto ko nang mag-aral sa Philippine Cultural High School (dating pangalan ng PCC) dahil bukod sa nag-aral ang ate ko rito ay napakaganda rin ng pasilidad nila. Gandang-ganda ako sa gym nila dahil sa laki ng kapasidad nito para sa mga manonood. Minsan ko nang binalak lumipat sa PCHS noong ako ay nasa high school kaya lamang sa kasamaang-palad ay hindi ito natuloy. Lubos ko itong ikinalungkot kaya noong pumunta ang mga taga-PCC sa PTSA para ipakilala ang kanilang bagong bukas na kolehiyo, dali-dali akong nagpasa ng requirements para makapagpalista sa kanilang entrance exam. Pinaghandaan kong mabuti ang pagsusulit na ito dahil dito nakasalalay kung saang kolehiyo ako makakapasok.

Kasama ang aking mga kaklase, kami ay nagpunta ng PCC para sa pagsusulit. Mabuti na lamang at dininig ng Panginoon ang aking dasal na makapasa sa PCC.

Dumating na sa wakas ang araw na pinakahihintay ko, 7 Hunyo 2013, ang unang araw ko bilang isang ganap na estudyante ng PCC sa kolehiyo. Hindi ko malilimutan ang araw na ito, dala na rin ng pagkasabik kong pumasok. Ang aga kong nagising kaya isa ako sa pinakamaagang dumating sa klase namin. Medyo nalungkot ako sapagkat nalaman ko na hindi pala lahat ng kaklase ko noong high school na nakapasok sa PCC ay magiging kaklase ko ulit ngayong nasa kolehiyo na kami. Nagkahiwa-hiwalay kami dahil sa pagkakaiba ng mga kursong napili naming pag-aralan.

Kahit papaano ay masaya pa rin ako dahil kaklase ko pa rin sina April Colinares, Mark Lao, Joshua Vacal at Kelvin Co. Nakabawas-hiya para sa akin ang kanilang presensiya dahil alam kong may kasama akong mga kaibigan.

Medyo kinabahan ako dahil bawat propesor ay gustong magpakilala kami sa buong klase. Buti na lang, nawala rin ang kaba ko dahil sa paulit-ulit na pagpapakilala sa harap ng halos pare-parehong tao. Si Ma’am Ballarta na propesor sa asignaturang Sanitation ang una naming nakilala.

Si Ma’am Juan ang aming propesor para sa asignaturang English. Si Ma’am Rocco naman para sa Physical Education. Si Ma’am Malubay para sa computer. Sa kasamaang palad, hindi nakarating sina Sir Abella at Ma’am Salamat sa unang araw ng aming klase. Si Sir Abella nga pala ang aming propesor para sa mga asignaturang Filipino at NSTP at si Ma’am Salamat naman para sa asignaturang Principles of Tourism. Bawat isa sa mga aming mga propesor ay pinakilala ang kanilang sarili at nagbigay ng maikling paalala tungkol sa asignaturang kanilang ituturo.

Base sa aking narinig mula sa mga propesor, lahat sila ay may malalim na kaalaman sa asignaturang kanilang ituturo kaya may pakiramdam akong marami kaming bagong bagay na matututuhan sa kanila.

Kami ay labintatlo sa aming klase: sampung babae at tatlong lalaki. No’ng una, medyo nahihiya pa akong makipag-usap sa kanila, lalo na iyong hindi ko naging kaklase no’ng high school, pero sinubukan ko pa ring makipag-usap dahil simula sa araw na ito, sila na ang magiging bago kong kaibigan at kasama sa loob ng apat na taon.

Sa tingin ko, ang pagkakaroon ng maliit na bilang ng aming klase ay malaking tulong sa amin upang mas makilala at maging malapit kaming lahat sa isa’t isa. Siguro, totoo nga ang kasabihan na kung sino ang unang katabi mo sa unang araw sa kolehiyo ay magiging kaibigan mo, dahil hanggang ngayon, magkaibigan pa rin kami ni Jemlyn Salvado.

Pagkatapos ng aming mga klase, ako, at karamihan ng mga bago kong kaklase, ay nagpunta sa Lucky China Town Mall para kumain. Masaya ako sapagkat mas nakilala ko pa silang mabuti. Noong una, akala ko halos lahat sila ay tahimik pero sa umpisa lang pala ‘yon. Ngayon na ilang buwan ko na silang kasama, nalaman kong may tinatago rin pala silang kakulitan.

Nakakapagod man ang unang araw ko sa kolehiyo, alam ko namang ito ay sulit sa dami ng bagong kaibigang nakilala. Ang unang araw ko sa kolehiyo ang umpisa ng isang mahabang paglalakbay na aking tatahakin. Sa aking pagtuntong sa kolehiyo, batid ko ang hirap na aking dadanasin. Hinihiling ko lang na sana, malampasan ko ang lahat ng pagsubok nang may ngiti sa labi at walang pagsisisi.

Sa loob ng apat na taon, ang PCC ang magiging gabay ko upang maging handa sa hinaharap. Sa loob ng apat na taon, lahat sana ng pagkakaibigang nabuo ay hindi masira at mawala bagkus
lalong tumibay. Ako ay nagagalak na mapabilang sa pamilya ng PCC sapagkat ramdam ko pagmamalasakit ng mga estudyante sa isa’t isa. Bilang isang freshman, ramdam ko ring mababait ang ate at kuya kong nasa ibang baytang at kurso.

Hindi man kalakihan at kasikatan ang kolehiyong napili ko, alam kong marami akong matututuhan dito sa tulong na rin ng mga tao sa aking paligid.

No comments:

Post a Comment