Saturday, March 8, 2014
Para na rin sa Kalusugan
ni Janelyn Choi
Noong bata pa lang ako, mahilig na akong gumuhit. Nakasanayan ko ito dahil sa pagguhit ng tauhan sa mga palabas na anime tulad nina Sakura Kinomoto at Li Syaoran ng Card Captor Sakura at ni Sakura Haruno ng Naruto. Sinabi ko sa sarili na balang araw, ang kukunin kong kurso ay Fine Arts. Kaya unti-unti, nag-ipon na ako ng pera para sa kursong iyon.
Kaya lang, pagdating ko ng hayskul, nagkaroon kami ng problema sa pamilya at kailangan naming gumastos nang malaki para sa kalusugan ng aking papa. Mula noon, hindi ko na hinangad na makuha pa ang kursong gusto ko.
Noong 3rd year high school ako, naisip ng mga magulang ko na turuan akong magluto. Marunong naman akong magluto kahit noon pa pero gusto ng aking papa na mas humusay pa ako rito.
Para daw puwede kaming magtayo ng maliit na negosyo. Kaya nag-aral ako nang ng-aral niyon. Pero sa kabila ng maraming gawain para sa pagluluto, ipinagpatuloy ko pa rin ang pagguhit ko.
Nalulungkot ako dahil Fine Arts talaga ang gusto kong kurso pero habang tumatagal, natatanggap ko na rin na baka hindi talaga ito para sa akin.
Noong 4th year na ako, pumunta ang mga taga-Philippine Cultural College Main Campus sa PCC Annex para ipakilala ang kolehiyong ito. Noon ko naisip ang potensiyal ko para sa kursong Hotel and Restaurant Management. Nalaman ko rin na nagbibigay sila ng scholarship. Dahil guro ang aking ina sa aming eskuwelahan, mas mura pa raw ang aming babayarang tuition fee sa PCC. Kaya kinuha ko na agad ang oportunidad para makapag-aral.
Simula noon, natuto na akong gumawa ng iba’t ibang putahe, at nakasanayan ko na ring magluto sa aming tahanan.
Ang pagguhit ko? Hindi ko itinitigil. Nakakatulong din kasi ito sa pagiging HRM student ko. Dahil dito, nakakapag-isip ako ng iba't ibang disenyo para sa mga cake at plating ng pagkain.
Pinili ko ang mag-aral dito sa PCC dahil sa scholarship. Makakamura at makakatipid talaga ang mga magulang ko. Kaya itong aking pag-aaral ay para na rin sa kalusugan ng aking papa.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment