Saturday, March 8, 2014

Biyahe mula Bahay Hanggang PCC/Divisoria


ni Jovelyn N. Yap Anching

Pagmulat ng mata ko, ang una kong naririnig ay ang maingay kong cellphone alarm. Hindi pa ako lubos na gising noon at ang tanging nasa isip ko ay ang patahimikin ang nakakairitang alarm. Paglipas ng lima hanggang labinlimang minuto, mag-uumpisa na akong magmulat. Ang utak ko, nag-uumpisa na ring mag-isip ulit. Maalala kong may pasok ako, at gutom ang unang sumasalubong na pakiramdam.

Sa mga oras na tulala ako ay napapagalitan na ako minsan ni Mama kasi ang bagal kong bumangon. Pagbangon ko, mas inuuna ko ang maligo, matagal kasi akong kumain. Mas matulin akong maligo.

Minsan, inaabot ako nang hanggang 30 minuto sa pagkain pa lang ng almusal. Nanonood ako ng T.V. habang kumakain. Samantala, ang pagligo ko ay umaabot ng 30 minuto ngunit minsan, lampas pa ng 30 minuto, lalo na kapag malamig-lamig ang panahon. Magpapakulo muna ako ng tubig para ipanghalo sa tubig na pampaligo. Hindi ko kaya ang ginaw sa madaling araw. Tapos no’n, magbibihis na ako ng uniporme, pamasok ng eskuwela.

May aso kami. Si Whitey. Pinapakain ko siya kada umaga. Tapos ay magpapaalam na ako sa mga magulang ko at bibiyahe papuntang eskuwela. Sa Quezon City ako nakatira. Mag-uumpisa ako sa paglalakad mula sa amin papuntang sakayan ng dyip. Malayo-layo ang sakayan mula sa bahay namin, lima hanggang sampung minutong paglalakad. Saka pa lang ako sasakay ng dyip na biyaheng Quiapo.
Ang rutang dinadaanan ko ay pagbaybay sa Quezon Avenue. Masikip ang daloy ng trapiko tuwing may pasok ako.

Halos araw-araw, ang sikip doon. Dadaan ito ng Sto. Domingo Church at UST, kung kaya napakatrapik ng daan dito. Palagi akong nagte-text sa mga magulang ko kung nasaan na ako. Hindi lilipas ang 20 minuto nang hindi ako nagte-text kasi magagalit sila at mag-aalala. Ang baba ko ay sa Morayta na. Tatawid pa ako ng overpass (na gawa sa semento). Maraming nagtitinda sa overpass. Delikadong lugar ang Morayta kaya maingat ako hanggang makatawid ako at makapunta sa susunod kong lilipatan ng sakay, kasi kailangan kong sumakay ng isa pa papuntang Divisoria. Nandoon ang eskuwelahan ko.

Pagkarating ko sa sakayan, pipila ako at magbabayad ng pamasahe doon sa tagakolekta na nasa tabi ng mesa, nagbibigay ito ng tiket para mabilis at wala nang abala sa tsuper ng dyip. Pagkasakay ko, titiisin ko na naman ang matinding trapiko sa Recto Avenue. Tapos bababa ako sa Divisoria.

Madalas akong bumababa sa overpass (na gawa sa bakal, footbridge na tawag dito) na malapit sa kanto ng Recto Avenue at Abad Santos para isang diretso na lang ako. Pero kung lumampas man ako sakay ng dyip ay wala namang kaso. Malapit lang naman din ang makalampas ng kanto. Pagkababa ay tanaw ko na agad ang eskuwela namin.

Ang kalaban ko naman bago makarating sa PCC ay ang mga taong naglalakad sa sidewalk. Karamihan sa mga dumadaan ay mga tindera sa Divisoria, mga nagtatrabaho sa malalapit na mall o kaya ay bangko, at ang iba ay kapwa estudyante na papasok din sa kanilang eskuwelahan. Limang minuto lang naman ang lakad kaya ito ay madali lang at hindi na nakakapagod.

Ito ang biyahe ko araw-araw.

Mapalad ako minsan, hinahatid ako ng papa ko kapag may oras siya. Matulin siyang magpatakbo, mabilis din akong nakakarating sa PCC. Wala pang isang oras, nasa eskuwela na
ako. Pero kapag ako lang mag-isa ang papasok, inaabot ako ng higit sa dalawang oras.

Nitong nakaraang taon, hindi na ako mag-isa sa paglalakbay. Nagkaroon na ako ng kasintahan at madalas niya akong ihatid at sunduin. Nag-iba na ang ruta ko kasi sabi ng B.F. ko, may bago, at mas ligtas na ruta kaysa sa ruta ko.

No comments:

Post a Comment