Saturday, March 8, 2014

Ama

ni Jovelyn N. Yap Anching

Tuwing Chinese New Year, pumupunta ako sa bahay ng lola ko. Ang tawag ko sa kanya ay Ama. Mag-isa lang siya sa bahay niya sa Abad Santos, Maynila.

Kapag nandoon ako sa bahay niya, lumalabas kami para mamasyal sa Binondo, sa 168 Mall at sa Masangkay. Namimili rin kami ng bracelet na pampasuwerte. Mahilig kasi siyang bumili ng mga ganon.

Minsan, pumupunta kami sa mga kaibigan niya sa Masangkay. Nagtitinda ang mga ito ng pampasuwerteng pandekorasyon sa bahay.

Dinadala din ako ng lola ko sa aking mga ninang at ninong kasi nagbibigay sila ng ang paw at tikoy. Maging ang lola ko, binibigyan ako ng ang paw. Minsan, pumupunta kami sa simbahan ng mga Chinese at doon ay nag-iinsenso kami.



Kung minsan naman, kumakain kami ng mga pagkaing pampasuwerte.

Ngunit pagsapit ng Chinese New Year ngayong taon, hindi ako masaya. Hindi ko na nakita ‘yong mga bahagi ng pagdiriwang sa Binondo tulad ng pagsasayaw ng mga lion at dragon sa mga tindahan.

Hindi na rin ako nakapunta sa mga ninang at ninong ko. Nahihiya ako kasi puro mga Chinese iyon, hindi naman ako marunong magsalita ng Chinese. Wala na rin akong mga bracelet na pampasuwerte.

Hindi naman ako binibilhan ng ganon ng mama ko kasi hindi siya naniniwala doon at nanghihinayang siya sa pera. Hindi kami pumunta ng simbahan ng Chinese para mag-insenso at kahit sa bahay, hindi rin kami nag-insenso. Ang tanging ginawa lang namin sa pagsalubong ng Chinese New Year ay ang paghahanda ng tikoy.

Dahil noong May ng nakaraang taon, sumakabilang-buhay ang aking lola sa sakit na TB meningitis.

Marami man ang nagbago sa buhay ko mula nang mamatay siya, hindi magbabago ang aking mga alaala sa kanya.

Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga sandali ng pagsasama namin, pati na ang kabaitan niya, ang pagtulong niya para makapag-aral ako sa Philippine Cultural College at ang mga tradisyon na itinuro niya para maipagdiwang ang Chinese New Year.

No comments:

Post a Comment