Saturday, March 8, 2014

Spartan at Zombie


ni Mark John Christian B. Lim

Ako ay 17 taong gulang at nakatira sa Valenzuela. Ako ay graduate ng Canumay West National High School at ngayon ay nasa unang baitang ng kolehiyo sa kursong BS Information Technology.

Sa Valenzuela, marami akong puwedeng pasukang eskuwelahan kaya marami sa aking mga kamag-aral ang nagtatanong kung bakit nga ba ako sa Philippine Cultural College nag-aral, e ang layo nga naman daw nito sa aming bahay.

“Buti hindi ka nahihirapan sa iyong biyahe?” tanong ng aking mga kaklase.

Dito ko sisimulan ang kuwento ng aking paglalakbay mula sa aming bahay patungo sa aking paaralan.

Ang araw ng aking pasok ay Lunes, Martes, Miyerkules, Huwebes, at Sabado. Ang Biyernes ay araw ng pahinga ko.

Ang ruta ng sinasakyan kong dyip mula Valenzuela ay hanggang LRT Monumento, pero hindi na ako nagpapaabot sa mismong terminal ng dyip sa Monumento kasi mahirap makasakay doon ng papuntang Divisoria. Bumababa ako sa Caltex sa Caloocan para doon maghintay ng isa pang dyip na may rutang pa-Divisoria, Tutuban. Kapag umaga, hindi talaga mawawala ang rush hour. Sa mga ganong oras ay papasok na rin kasi ang mga nagtatrabaho. Madalas akong mahirapan sa pagsakay at nakakapagod din ang maghabol sa dyip na lumalampas sa aming puwesto. Nakakapagod din ang makipagbanggaan sa mga tao para lang makasakay.

Kapag ako ay nakasakay na, natanggal talaga ang pagod ko sa pag-upo.

May mga oras naman na wala akong masakyang dyip patungong Monumento kaya minsan, sumasakay ako ng bus na may rutang Sta.Cruz. Doon ako bababa, sa mismong Sta.Cruz at maglalakad ako patungo sa sakayan ng dyip na may rutang Divisoria-Tutuban. Sasakay ako at pagkatapos ay bababa na ako sa Padre Algue Street at maglalakad hanggang eskuwela.

Mas gusto ko ang pagsakay sa dyip kesa sa bus dahil mas tipid ito sa pamasahe. Kapag ako ay nagbus, ang magbalikan ay 65 pesos, samantalang sa dyip ay 60 pesos lamang. Mas tipid ako pag dyip kahit na limang piso lang naman ang diperensiya.

Kapag umaga ang pasok ko, nag-iiba talaga ang aking katauhan. May tawag pa nga ang mga driver ng dyip sa mga pasaherong tulad ko.

Spartan at zombie.

Spartan dahil tuwing kami ay sasakay ng dyip, e akala mo palaging may gulo. Unahan, balyahan, siksikan, sikuhan at banggaan sa pagsakay. Minsan, nawawala ang aking pagiging gentleman para lamang makasakay ng dyip. Hindi ko naman maaaring paunahin lagi ang mga babaeng nakakasabay ko sa gitgitan dahil ako naman ang mahuhuli sa klase. Pero madalas, mas pinapauna ko nga sila kaya ayun lagi akong huli sa klase.

At zombie dahil para daw kaming nanghahabol ng mga taong nasa loob ng dyip para kainin ang mga ito.

Kahit mahirap, minsan ay masaya naman ang biyahe dahil sa mga komedyanteng pasahero. Pero minsan ko lang makasabay ang ganon. Mas madalas kong makasabay iyong mga masyadong seryoso.

Akala mo, ang bigat ng pinagdadaanan sa buhay. Minsan naman, may mga pagkakataong parang magnanakaw ‘yong mga katabi mo at baka kasabwat pa ng mga ito ang driver. Nakakatakot talaga.

Masama ang maging judgmental pero ako ay naninigurado lamang para sa aking kaligtasan. Marami pa namang sabi-sabi tungkol sa mga dyip na pumapasada sa lugar na dinaraanan namin. Mayroon din akong nakakasabay na nakakanerbiyos ang mukha. Iyong tipong ang mga mata niya ay naglalakad sa loob ng dyip at halos lahat ng kasakay at katabi ay parang kakainin niya sa pamamagitan ng titig. Hindi ko naman siya puwedeng pagsabihan dahil nakakahiya. Pero hindi ko maaalis ang matakot sa ganong tao. Mas nagiging alerto tuloy ako sa mga puwedeng mangyari sa akin pag may kasakay akong ganon.

Mahaba ang aking biyahe, napakarami kong dinadaanan at nakakasabay bago makapasok sa eskuwela.



Sayang at hindi ko masyadong nakakabisado at natatandaan ang lahat ng ito dahil madalas akong tulog sa dyip.

No comments:

Post a Comment