Saturday, March 8, 2014

Iba-iba, Sari-sari, Kayang-kaya


ni Gerome Go Chang

Pinagpala ako na mula sa aming bahay, limang kanto lang ay nararating ko na ang aking paaralan at ang pamilihan ng Divisoria. Kung oras naman ang pagbabatayan, kayang-kaya ko itong marating nang di hihigit sa limang minuto (lalo na pag ako ay nagmamadali).

Sa aking paglalakad araw-araw, napapansin kong iba-iba ang mga lahi na aking nakikita.

Nagkakaiba rin sila sa kulay: may kayumanggi at may mapuputi. Sa aking obserbasyon, karamihan ng manininda sa bangketa ay Pilipino. Sa loob naman ng establishment o mga mall ay Tsino at Muslim. Nakakabilib. Napakaaga pa lang ay naroon na sila at nagbabanat ng buto upang makabenta.

Sari-sari ang makikita rito sa Divisoria. May nagtitinda ng prutas, gulay, medyas, damit, mga laruan at kung ano-anong kakaibang gamit. Isang beses na napadaan ako sa lugar na ito sa may kahabaan ng Recto ay may nakita pa akong nakalatag na mga cellphone sa sahig at nakapatong sa isang malaking kahon na walang laman, maraming klase at kulay.

Dugtong-dugtong ang mga pamilihan. Unang makikita ang 999 at Tutuban Mall na halos magkatapat lang. Medyo mahal pa ang mga bilihin sa mga ito. Pag naglakad nang kaunti, makikita naman ang mga pamilihan na 168, 11/88 at City Square. Magkakatabi lang ang mga ito. Kung maglalakad pa nang kaunti, makikita naman ang pamilihang Lucky China Town. Hindi pa nagtatapos diyan ang napakalawak at napakagulong Divisoria. Nariyan din ang Juan Luna Plaza at ang nasunog na Divisoria Mall kung saan ay pinakamura ang bilihin.

Kanya-kanyang presyo ang mga manininda. Kung ikaw ay di sanay sa lugar na ito, mas mahal ang presyong ibibigay sa ‘yo. Magulo man dito, wala namang kapantay ang mga kalakal at presyo.

Maaari pa ngang humingi ng tawad hanggang sa huling piso. Kung ayaw patawad, napakarami pang ibang tindahan na may kaparehong tinda.

Iba’t ibang uri din ng sasakyan ang makikita. May kuliglig, tricycle, de padyak na tricycle, bisikleta, dyip, taxi at mga pribadong sasakyan. Madalas, ang nagdudulot ng trapiko sa lugar na ito ay mga pampublikong sasakyan na naghihintay ng mga pasahero. Minsan, nais pa nilang puno ang kanilang sasakyan bago umalis sa pinagpaparadahan.

Makalat at marumi ang lansangan sa gitna ng Divisoria. Makikita ang tambak na basura, mga plastik na pinagbalutan ng mga gamit at kung ano ano pa. May mga naglilinis naman at nangongulekta ng mga basura tuwing umaga pero hindi sapat.

Minsan pa nga, kahit na kakukuha lang ng tambak na basura sa Divisoria ay may mga naiiwan at natitira pa rin. Hindi na ito maisakay sa trak ng basura at puno na. Kapag umulan naman ay putik at baha ang kalaban patungo rito. Barado kasi ang mga kanal dulot ng mga kalat.

Pero talagang sinasadya pa rin ang lugar na ito. Lalo na ng mga mamimili na pangmaramihan o pakyawan ang pagtangkilik sa produkto.

Para sa mga nagpupunta sa Divisoria na galing pa sa malalayong lugar, narito ang ilan sa aking payo:

1. Mainam na magtsinelas at shorts o damit na komportable. Matao, siksikan at madalas na mainit sa Divisoria.



2. Bago magpunta, ugaliing maglista ng mga kailangang bilhin upang ‘yon ang unahin at nang mas makatipid. Kung walang listahan, kadalasan ay mas mapapagastos ka dahil lahat ng produktong magustuhan at madaanan ay matutukso kang bilhin.



3. Dapat ay nagdadala ng mga shopping bag o eco bag dahil ang mga supot na pinamimigay sa Divisoria ay manipis. Abala pa kung mabutas ang supot mo at may malaglag mula rito.



4. Mas mainam ang pagpunta nang maaga para makaiwas sa pagdagsa ng mga mamimili sa hapon. At sabi rin ng iba, mas magandang mamili sa umaga dahil sa tinatawag nilang “Buena Mano,” hindi tatanggi ang nagbebenta sa paghingi mo ng mababang presyo sa kanilang mga produkto.



5. Sa biyaheng patungong Divisoria, makakabuti kung gagamit ng mga light rail system (LRT) upang makaiwas sa trapiko. Bumaba sa estasyon ng Recto o Doroteo Jose. Bukod sa makakaiwas sa trapiko ay mas mabilis pa ito.



6. Sa hapon, pag tatahakin mo ang kahabaan ng Recto papuntang Divisoria, paglagpas ng Jose Abad Santos at kanto ng Recto Avenue, asahan mong di na aandar ang mga sasakyan at mas makakabuting lakarin na lang ang iyong destinasyon.

No comments:

Post a Comment