Saturday, March 8, 2014
Ako at ang PCC
ni Jemlyn B. Salvado
Noong hayskul pa lamang ako, sa Masbate, pangarap ko nang mag-aral sa Maynila. Sina Lolo at Lola ang nag-aruga sa akin simula nang mamatay si Papa. Si Mama ay nasa Maynila upang magtrabaho para makapag-aral kami.
Pero simula noong mag-asawa si Mama ay nanirahan na ako sa aking tiyahing si Beverly. Grade 6 ako noon at siya na ang nagpaaral sa akin. Limang taon akong nagtiis sa aking tita kahit na sinasaktan niya ako kapag may mali akong naikilos.
Isang beses ay noong binigyan niya ako ng baon. Papunta na ako ng eskwelahan noon. Magkatabi ang 50 pesos at 20 pesos sa mesa. Hindi naman niya sinabi na 50 pesos ang kunin ko kaya 20 pesos ang kinuha ko dahil ‘yon ang nakasanayan ko at iyon ang binibigay niya lagi sa ’kin. Dahil do’n ay bigla niya akong sinabunutan kahit may mga kustomer na namimili sa kanyang tindahan. Umiyak ako nang patago noon dahil ayaw kong makita niya akong umiiyak.
Hindi ko maintindihan kung bakit siya ganon sa akin. Ginagawa ko naman ang lahat ng inuutos niya. Tumutulong ako sa pag-aayos ng mga paninda nila. Ako rin ang nag-aalaga sa mga anak niya kapag abala siya sa kanilang negosyo Hinahatid ko sa eskuwelahan ang tatlong taong gulang niyang anak at sa tanghali naman ay sinusundo ko pa ito upang sabay kaming makauwi sa bahay para mananghalian. Madalas akong mahuli sa klase ko tuwing umaga at ala-una ng hapon na klase dahil doon.
Tiniis ko na lamang ang pananakit niya sa akin kahit na sinasaktan at pinapahiya niya ako sa ibang tao. Gusto kong makapagtapos sa hayskul.Kaya noong bumalik na si Mama sa
probinsiya ay sumama na ako sa kanya. Sinabi niyang ang mga tiyahin kong Chinese ang magpapaaral sa akin. Sa wakas ay matutupad ko ang aking pangarap na mag-aral sa Maynila.
Abril 2012 nang makarating kami ng Taguig. Ilang buwan din ako roon kasama si Mama, ang kanyang bagong asawa at mga anak. Nangungupahan sila doon. Nakiusap si Mama na huwag muna akong pumunta ng Quezon City kung saan naroon ang aking mga tiyahin at tiyuhing magpapaaral sa akin dahil siya ay buntis at malapit nang manganak ng kambal. Nakiusap siyang tulungan ko muna siya kaya hindi
ako nakapag-aral agad.
May kapitbahay kaming gusto ring mag-aral, niyaya niya akong mag-enrol kami sa kursong Information Technology sa AMA Computer Learning Center (ACLC) sa Pasay. Hindi iyon regular na klase kaya pumayag si Mama. Kaya lang, hindi ako naging masaya sa klaseng iyon dahil nahirapan ako. Noong makuha ko na ang aking sertipiko ay hindi na ako nagpatuloy at tumulong na lang ako sa aking Mama sa pag-aalaga sa kambal niyang anak. Naghintay na lang ako para makapagkolehiyo.
Noong Oktubre 2012, nagpunta na ako sa Quezon City para manirahan sa kuwarto namin noong nabubuhay pa si Papa. Dumalaw ang aking tiyuhin na si Johnny Uy at nakilala niya ako. Dapat maaga raw akong makapag-enrol para sa ikalawang semestre. Binigyan niya ako ng pera upang makapag-eksam sa University of the East.
Mabait ang aking tiyuhin, sabi niya, tumawag ako sa bahay nila kapag may gusto at may kailangan ako. BS Information Technology ang kinuha kong kurso sapagkat mahal ang bayad sa kursong gusto ko na BS Hotel and Restaurant Management. Nakapasa naman ako sa kursong BS IT pero sa hindi inaasahang pangyayari, naospital ang aking tiyuhin dahil sa sakit niyang
kanser. Mahigit dalawang buwan siyang nanatili sa ospital pero hindi na niya talaga kinaya ang sakit. Namatay siya noong Pebrero 2013.
Dahil dito ay hindi na ako natuloy sa UE. Kinabahan ako, baka hindi na naman ako makapag-aral sa taong 2013. Nag-eksam din ako sa Polytechnic University of the Philippines ngunit sa kasamaang-palad ay hindi ako nakapasa sa kursong BS IT. Mas lalo akong kinabahan. Baka tuluyan nang hindi ako makapag-aral dahil mahirap lamang kami, hindi ako kayang pag-aralin ni Mama sa mamahaling unibersidad.
Sabi ng tiyahin kong nag-aral noon sa Philippine Cultural College, subukan kong mag-eksam dito dahil may mga scholarship dito. Sa kabutihang-palad, pumasa ako sa kursong gusto ko: BS Hotel and Restaurant Management.
Hindi ko na kinuha ang kursong BS-IT sapagkat iyon ay hindi ko talaga gusto. Iyon ang kinukuha ko noon dahil iyon lamang ang kursong kaya naming bayaran. BS HRM na ang pinili ko sapagkat mahilig akong magluto at mag-eksperimento sa pagkain. Ako rin ang palaging nagluluto sa aming bahay. Meron din itong scholarship, kaya libre ang aking pag-aaral at may nakukuha pa akong allowance buwan-buwan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment