Saturday, March 8, 2014

Ang Napansin Ko Lang

ni Ralph Cedric Ngo

Ito ang mga rituwal na pinaniniwalaan ng pamilya ko sa tuwing sasapit ang Chinese New Year:

-Dapat nakapagpagupit kami ng buhok bago pa sumapit ang araw ng bagong taon.

-Nagpapaputok kami ng sawa (uri ng paputok na mahaba at malakas ang putok) para suwertehin ang bahay namin.

-May mga lion dance din na wine-welcome namin sa bahay. Ang mga lion ay sumasayaw sa gitna ng mga paputok habang kinukuha ang angpao na malapit sa totikong. Ang totikong ay ang mga diyos ng Tsino bukod kay Buddha.

-Naniniwala din kami sa Feng Shui.

-Naghahanda din kami ng maliit na salusalo para sa family reunion. Kasama rito ang tikoy dahil ito ay malagkit at madikit at simbolo ng pagkakadikit-dikit ng pamilya o pagiging close nila sa isa’t isa. Naghahanda din kami ng isda, karne at iba pa. Ngunit hindi kami puwedeng maglagay ng manok dahil ang ibig sabihin nito ay isang kahig, isang tuka na simbolo naman ng kahirapan.

-Gumagawa rin kami ng wishing bowl na naglalaman ng kanin, pera at chocolate. Paano gamitin ang wishing bowl? Ilagay lang sa isang papel ang mga hiling o gustong mangyari, irolyo ang papel at ilagay ito sa ilalim ng bigas. Iwasan na makita ng iba ang papel para hindi mabuklat ng kahit na sino ang wish na ginawa. Hindi masisira o mapuputol ang wish pag ganito. Ang wishing bowl na ito ay mahiwaga dahil sa experience ko na halos lahat ng hinihiling ko ay nakukuha ko.

Ang napansin ko lang ay halos parehas ang pinaniniwalaan ng mga Pinoy at ng mga Tsino kapag bagong taon. Kung ang mga Tsino ay may handang tikoy, ang mga Pinoy naman ay may handang biko o sapin-sapin. Parehas ding nag-aalay ng mga prutas ang Pinoy at Tsino.

Naghahanda din sila ng salusalo para sa buong pamilya. Parehas din silang naniniwala na hindi magandang maghain ng manok sa bagong taon dahil baka maging mahirap at hindi productive ang buong taon. Parehas din na nagpapaputok. Isa lang ang ibig sabihin ng mga pagkakaparehas na ito, ang Pinoy at Tsino ay kapwang naghahangad na maging masaya kasama ang sariling pamilya at ang makabuo ng panibago at masayang taon kasama ang mga isa’t isa.

No comments:

Post a Comment