Saturday, March 8, 2014
Spring Festival sa Pilipinas
ni Irvin Hudson C. Chen
Bago pa sumapit ang Chinese New Year, ang nanay ko ay bumibili na ng mga bilog na prutas. Naglalagay din siya ng mga piso sa lalagyan ng bigas at naghahanda ng pagkain bilang alay para sa ninuno at sa diyos. Naghahanda rin siya ng maraming pagkain, parang pista.
Taon-taon naming ginagawa at ipinagdiriwang ito dahil nakasanayan na namin ito. Kinukuwentuhan din kami ng aming ama tungkol sa Chinese New Year. Sabi niya, ito ay tinatawag ding Spring Festival. Ipinagdiriwang daw ito sa buong mundo ng mga Tsino at iba pang mga tao, kahit hindi Tsino. Ngayong taon, ipinagdiriwang ng lahat ang pagdating ng taon ng kabayo.
Maraming pinaniniwalaang dapat gawin sa bagong taon tulad ng paglalagay ng pera sa bigas, pagpapaputok, pagsusuot ng pulang damit, pagbibigay ng pulang sobre (angpao), paghahanda ng mga bilog na prutas, at pag-aalay ng pagkain sa ninuno at sa diyos ng Buddhism, Taoist o Chinese folk religion. Naniniwala rin ang mga Chinese na hindi papasok ang malas kapag naglagay ng pulang papel sa harap ng bahay.
Dahil ayon sa alamat, taon-taon tuwing simula ng taon, bumababa si Nian sa isang nayon para kainin ang mga pananim at mga alagang hayop pati na ang mga tao lalo na ang mga bata doon. Para maprotektahan ang mga sarili, taon-taon ay naghahanda ng pagkain ang mga taga-nayon para hindi sila ang kainin ni Nian. Pagdating ng bagong taon, nakita nilang si Nian ay natatakot sa batang nakadamit na pula. Natuklasan nila, si Nian ay takot pala sa pula. Kaya taon-taon, nagdikit sila ng pulang papel sa pintuan. Nagsuot din sila ng pula at nagpaputok na rin sila. Mula
noon, hindi na umatake si Nian sa nayon.
Sa China at iba pang kalapit na bansa nito katulad ng Hong Kong, at Taiwan, mga dalawang linggo ang pagdiriwang ng bagong taon. Sa Pilipinas at iba pang mga bansa na malayo sa China, isa hanggang dalawang araw lang.
Sa umaga ng Chinese New Year, naglalagay kami ng pera sa isang pulang sobreat isasabit namin ito sa bahay. Tapos, may darating na performers ng lion dance at magtatanghal ito sa aming bahay para mabasbasan nila ang bahay. Sa pag-alis nila, susubukan nilang kunin ang pulang sobre.
Kung ano man ang laman ng sobre ay parang donasyon na rin ng aming pamilya sa mga nag-lion dance.
Pagkatapos no’n, pumupunta kami sa templo para mag-alay at magdasal, para mabigyan kami ng suwerte. Sa hapon, umuuwi kami para kumain tapos lumalabas ulit kami para pumunta sa bahay ng mga tito at tita namin. Doon, kami naman ang bibigyan ng pulang sobre. Pumupunta rin kami sa Ongpin para manood ng mga itinatanghal doon tulad ng dragon dance at mga pagpapaputok.
Ngayong taon, nakapanood kami ng lion dance at dragon dance sa Chinatown. Pinaniniwalaang nagtataboy ng malas ang mga dance na ito kaya sa mga tindahan sa Ongpin, makikitang may nakasabit na pulang sobre sa pinto. Pinapakuha ito ng may ari sa mga nagla-lion dance.
Pinaniniwalaan ding nagbibigay ito ng suwerte sa kanilang negosyo.
Masaya ang bagong taon kasi nakikita mo na nagkakatuwaan ang mga tao. Sa pag-uwi, maghihintay
kami ng alas-dose para magpaputok nang konti, tapos matutulog na kami.
Simple lang ang aming Chinese New Year. Hindi naman kailangang magarbo ito. Ang mahalaga, masaya at kumpleto ang … pamilya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment