Saturday, March 8, 2014

Kadulu-duluhan ng Valenzuela City


ni Janelyn T. Choi

Ako ay nakatira sa kadulu-duluhan ng Valenzuela City. Kaya kahit pumapasok ako nang maaga, tinatanghali pa rin ako dahil sa mahabang biyahe.

Araw-araw, kapag may klase ako, kailangan kong magdalawang sakay. Tricycle muna mula sa bahay namin hanggang sa Karuhatan bago ako makasakay ng dyip papuntang eskwela. Kadalasan, ang biyahe ko ay umaabot ng dalawang oras kapag hindi matrapik sa daan. Pero may mga araw na sobrang trapik talaga at hindi mo maintindihan kung bakit, katulad ng Lunes. Inaabot ako ng hanggang tatlong oras para lamang makapasok. Minsan, kapag nakakainip na sa dyip dahil sa trapik, bumababa na lamang ako para maglakad. Kadalasan din, nagbabasa ako ng Wattpad sa aking cellphone para malibang ko ang aking sarili.

Pero minsan naman, dahil sa sobrang antok, nakakatulog ako at hindi ko na namamalayan na lagpas na pala ako.

Naiinis ako sa mga driver na pinipilit pa nilang makakaupo ang pasahero kahit na kitang kita namang hindi na ito kasya dahil puno na ang kanyang dyip.

Hindi ko rin maiwasan ang mga bastos na pasahero sa dyip. Gaya na lamang ng nakaengkuwentro ko noong 1st year college ako. Sa isang subject ko ay kailangang magsuot ng palda ng mga estudyanteng babae. Minsang papasok ako sa eskuwela, nabanas ako sa kaharap kong pasahero na kung makatingin ay akala mo, ngayon lamang nakakita ng babaeng nakapalda. Ang malala ay iyong nakatabi kong pasahero na pasimpleng nangtsatsansing. Ikinabuwisit ko ito kaya bumaba na lamang ako kahit na alam kong malayo pa ang bababaan ko.

May panahong naiinis ako sa sarili ko kung bakit naisipan ko pang sa Philippine Cultural College ako nagkolehiyo. May mga university na malapit sa amin, hindi pa ko gagastos ng halos singkwenta pesos papasok lamang ng eskuwela. Halos isang daan ang aking nagagastos para lamang makapasok at makauwi galing sa PCC. Minsan pa ay may mga driver na nagkukunwaring hindi narinig ang pagkakasabi ng “Bayad po, isang estudyante po,” lalo na kapag ang ibinigay kong pambayad ay hindi sakto sa pamasahe. Hindi na kasi ako nasusuklian.

Pero marami pa rin naman akong masasayang karanasan sa pagsakay ng dyip papunta man o pauwi galing Divisoria. Ilan diyan ay kapag nakakasabay ko ang mga kaibigan ko sa PCC gaya nina Eric Cua, Justin Ma, at Jeniffer Pua. Dahil parehas naman ang aming sinasakyan, lagi kaming nagkakasabay-sabay. Minsan, hindi namin maiwasan ang mag-ingay sa dyip, lalo na kapag puro tawa lamang ang ginagawa namin.

Para sa mga tulad kong bumibiyahe mula sa kadulu-duluhan ng Valenzuela papuntang Divisoria, narito ang ilan sa mga payo ko batay sa aking obserbasyon sa pagbibiyahe araw-araw:

1. ‘Wag maghintay ng dyip kapag 6:30 na ng umaga dahil mahirap nang makahanap ng dyip na papuntang Divisoria. Mas maaga, mas maganda.



2. ‘Wag maglabas ng cellphone sa may 5th Avenue dahil maraming masasamang loob doon.



3. ‘Wag matulog sa biyahe. ‘Wag tumulad sa akin na laging lumalagpas sa dapat na binababaan.

No comments:

Post a Comment