Saturday, March 8, 2014
At Higit sa Lahat ay Maligaya
ni Wrenz Martin Pascual
Taon-taon ay inaabangan ng lahat lalo na ng mga Tsinoy ang pagsapit ng Chinese New Year. Ito ay isang malaking okasyon dahil bagong taon sa kalendaryo ng mga Tsinoy.
Iba-iba ang araw na natatapat para sa Chinese New Year, wala talaga itong eksaktong araw. Kailangan pang tingnan ng mga Tsinoy ang kanilang kalendaryo kung kailan ito matatapat. Hindi tulad ng ating nakasanayan na kapag sinabi mong Bagong Taon ay ang una mong maiisip ay ang unang araw ng Enero.
Marami at iba-iba ang paraan ng pagdiriwang namin sa okasyon na ito. Minsan ay umaalis kami ng Manila at nag-a-out-of-town kami. Minsan naman ay pumupunta kami sa iba pa naming kamag-anak. Minsan ay iniimbitahan namin sila na pumunta at makisalo sa amin. Minsan ay pumupunta na lamang kami sa mga mall para doon na lang ipagdiwang ang okasyon. Minsan ay nagho-hotel kami o minsan naman ay sa bahay lang.
Noong Enero 31, 2014 ay sumapit ang Chinese New Year at mas pinili na lamang namin ngayong taon na maging simple at sagrado ang aming pagdiriwang: isang simpleng handaan kung saan ay kumpleto ang pamilya. Isa itong paraan sa amin upang magkaroon na oras para sa bawat miyembro ng pamilya.
Maraming ginagawa sa trabaho ang aking mga magulang at may pasok naman kaming magkakapatid sa eskuwelahan. Kaya isa ito sa mga okasyon na sinasamantala namin upang magkasama-sama. Bago pa sumapit ang araw ng Biyernes ay naghahanda na ang aking mga magulang para sa mga gamit at rekados para sa mga pagkaing kanilang lulutuin sa araw na iyon. Pumunta sila sa grocery store para mamili. Maaga akong nagising nang araw na iyon. Pagkagising ko, nakita ko ang aking mga magulang na busy sa pagluluto at paghahanda.
May mga tradisyon kaming sinusunod at nakagawian na tulad ng paggamit ng insenso upang maghatid ng mensahe para sa aming mga minamahal na yumao na, pagtitiklop at pagsusunog ng mga perang papel ng mga patay upang may magamit sa kabilang buhay ang mga minamahal naming yumao na, pagsusuot ng kulay pulang damit, pagbibigay ng matatanda ng pulang sobre sa mga bata, paglilinis ng buong bahay bago pa sumapit ang Chinese New Year upang ang pagpasok ng bagong taon ay maghahatid ng suwerte, paglalagay ng dekorasyon sa bahay upang maging makulay at matingkad ito, batian ng "Gong Xi Fa Chai" o "Kung Hei Fat Choy", ang “Fu” ay isang papel na inilalagay namin sa aming pintuan nang pabaliktad upang masalo ang suwerte.
Pagdating naman sa mga pagkain ay nagluluto kami ng tikoy dahil ito raw ay isang simbolo na magbubunsod sa bawat miyembro ng pamilya na lalo pang maging mas malapit sa isa’t isa.
Ang pagluluto at pagkain naman ng pansit ay pinaniniwalaang pampahaba ng buhay, ang pagluluto ng isang buong isda para sa karangyaan sa buhay, pagluluto ng dumplings, hipon at marami pang iba.
Pagkatapos naming kumain ay naghanda na kami ng aking mga magulang dahil may pupuntahan daw kami. Sa Sing Kong Temple at Gilmore. May ginawa lang kami doon pagkatapos ay umuwi na rin. Pagkauwi ay nagluto na ang aking magulang ng hapunan at sabay-sabay na kaming kumain at pagkatapos naming kumain ay pumunta na ako sa aking silid at inisip na ang mga dapat kong gawin para sa nalalapit na mga araw.
Naging masaya naman ako sa aming selebrasyon ngayong taon dahil kasama ko ang aking mga magulang at mga kapatid at sobra kong na-enjoy iyon . Sana ay mapadalas pa ang mga okasyon na ganito, para mas madalas pa kaming magkasama-sama at makapagkuwentuhan sa isa’t isa. Sana rin, sa susunod na mga okasyon, iba uli ang paraan namin ng selebrasyon para bago naman, ‘yon bang hindi pa nasusubukan, hindi pa napupuntahan, hindi pa nagagawa, hindi pa nakikita, ‘yong mga lugar kung saan ay makakapag-relax at makakapagpahinga ka din, mawawala muna sa isip ang mga problema at gawain sa eskuwelahan. Gusto ko doon sa kung saan maraming bagay ang puwedeng gawin at subukan dahil nakakasawa na rin ‘yong mga nakagawian ng gawain at lokasyon, para maiba naman kahit papaano. Pero kung hindi talaga kaya dahil nga maraming ginagawa ang mga magulang ko ay ayos lang naman, hindi naman din ganoon ka-importante sa akin ang venue. Ang mahalaga ay sama-sama kaming pamilya, malusog kaming lahat, walang sakit at higit sa lahat ay maligaya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment