Saturday, March 8, 2014

Ang Alay ng Alalay

ni Jemlyn B. Salvado



Katulong ako ng aking tita sa paghahanda ng mga pagkain na pagsasaluhan namin. Kasama rin namin ang aking mga pinsan na sina Lizanne at Princess Laurice sa paglilinis at pag-aayos ng bahay.

Gusto namin kapag may dumarating na bisita ay maayos ang lahat at walang anumang kalat na ikinakapangit ng bahay namin. Nagsasabit din kami ng mga dekorasyon para sa pagsalubong sa bagong taon. Nagpapatugtog din kami ng masasayang kanta habang nagsasayawan naman ang aking maliliit na pamangking sina Yohan Timothy, Gabriel at Kean.

Tikoy ang pangunahing pagkain na inihahanda namin tuwing Chinese New Year. Pinaniniwalaan ng mga tita ko na suwerte ito sa pamilya. Tinatawag din na Chinese New Year pudding, ang tikoy ay gawa sa malagkit na kanin o harina, wheat starch, asin, tubig at asukal. White o brown dapat ang food color na gagamitin upang mabigyan ng kulay ang tikoy.

Marami pang ibang putahe ang nasa aming mesa tuwing Chinese New Year. Isa rito ay ang treasure chicken. Isang buong manok ito at siyang tumatayong simbolo ng magandang pagsasama at pagkakasundo ng buong pamilya. Iniluluto namin ang treasure chicken dahil naniniwala kami sa sinisimbolo nito.

Ang pancit canton o bihon din ay isa sa mga pagkaing inihahain namin dahil ang mahabang hibla o noodles ay sinasabing naghahatid ng mahaba at masaganang buhay.

Hindi nawawala ang isda sa mga pangunahin naming handa. Para sa aming may lahing Tsino, ang salitang isda ay nangangahulugan ng surplus o ekstra. Naikuwento sa akin ng pinsan ko si Lizanne na kaya raw palaging may isang buong lapulapu tuwing Chinese New Year ay dahil nagsisimbolo ito ng kasaganahan at magandang simula at pagtatapos ng taon. Hindi raw dapat ito inuubos kapag inihahanda sa mesa dahil kailangan daw na may matira upang sa pagdating ng iba pang taon ay may kasaganahan pa ring darating sa amin.

Hindi rin nawawala ang hipon. Tuwing may okasyon o pagdiriwang sa bahay namin tulad ng kaarawan, palaging naghahanda ng hipon ang tita ko dahil ito raw ay simbolo ng kaligayahan at kabuuan ng pagkatao.

May dumpling o siomai din na nakahain. Naniniwala ang aking mga tiyahin na kapag may ganito sa handaan, naibabalot ng pamilyang naghain ang suwerte. Ang salitang dumplings o siomai ay tulad ng salitang pagpapalit ng bagong taon.

Hindi rin mawawala sa hapag-kainan ang mga berdeng gulay na sinasabing pampatatag ng samahan ng isang pamilya.

Iniiwasan naman namin ang maghain ng tokwa sapagkat ang kulay nito ay sumasagisag sa kamatayan
at kamalasan.

Hindi rin mawawala ang pag-aalay namin ng bigas na nakalagay sa isang bilog na lalagyan at kinapapatungan ng mga barya. Nakapatong din sa bigas ang angpao o pera, isang labanos na may taling pula, maliit na ube at isang buong pinya. Pampasuwerte daw ito at upang maging masagana at malusog ang bagong taon ng pamilya.

Naghahanda rin kami ng isang bowl ng iba't ibang klase ng prutas na bilog tulad ng mansanas, dalandan at ponkan.

Ang lahat ng mga pinaniniwalaan ng Chinese ay ginagawa ng aking tiyahin kaya natututuhan ko na rin kung paano at bakit ginagawa ang mga ito. Halimbawa, sa pag-aalay, ako ang palaging "nagti-timbri." Ang pagtitimbri ay ang pagtatatak ng mga pangalan sa "kim" o pera para sa mga namayapang kapamilya.

Itinatatak ko sa kim ang pangalan nina Taykong (ama ng aking lola), Tayma (ina ng aking lola), Ama (lola), Angkong (lolo) at pangalan ni Papa. Namatay ang aking papa dahil sa sakit sa puso. Maaga tuloy akong naulila sa ama pati na ang mga kapatid kong sina Kenneth Jordan, Kennedy Jovan, at Christian James.

Sa tuwing inuutusan akong magtatak ng pangalan ng aking mga mahal sa buhay, ang pangalan ni Papa ang palagi kong inuuna sapagkat espesyal ang aking Papa sa akin. Ang pagtutupi ng kim at pagsusunog nito ang pinakagusto kong gawin dahil naaliw ako sa pagtutupi at pagsusunog. Natutuwa nga ang mga tita ko dahil mabilis ako kapag nagtutupi na ng mga kim.

Marami man ang aking tinitimbri o tinutuping kim kapag may okasyon ay hindi ako napapagod. Bukal sa aking puso ang pagtulong sa aking tita at hindi ako napapagod lalo na’t para naman ito sa aming pamilya. Mahal ko sila lalo na ang mga namayapa. Kahit pa hindi ko sila nakasama nang matagal at kahit pa bata pa lang ako nang huli ko silang makita at makasama.

No comments:

Post a Comment