ni Mariane Charmaine Manungay
Ang mga Tsino ay kinikilala na rin dito sa ating bansa. Tulad nating mga Pilipino, isinasagawa rin ng mga Tsino ang paghahanda ng masayang salusalo para sa pamilya para ipagdiwang ang bagong taon.
Nagpapaputok din sila bilang pantaboy sa malas at upang magkaroon ng suwerte sa pagpasok ng panibagong taon.
Bilang bahagi ng ng kanilang tradisyon, nariyan ang pagbebenta sa mga tindahan ng tinatawag nilang Tikoy, isa sa mga pagkaing ipinakilala ng mga Tsino sa ating bansa. Ito ang pinaka-usong pagkain tuwing sasapit ang Chinese New Year. Kumakain sila ng tikoy upang manatili raw na sama-sama ang pamilya.
Makikita naman sa mga pamilihan, lalo na sa Divisoria at mga bangketa rito, ang iba’t ibang klase ng mga pampasuwerte. May bracelet, bilog na prutas na dinesenyuhan upang maaaring isabit sa mga pinto ng bahay, at mga sobreng pula na kung tawagin ay ampao. Lumilibot naman sa mga tindahan ang Dancing Dragons upang manghingi ng ampao.
Bago pa man sumapit ang Chinese New Year, nililinis ng mga Tsino kanilang bahay upang pumasok daw ang suwerte sa panibagong taon. Mayroon din silang tinatawag na Feng Shui o mga pamahiin ng mga Chinese. Halimbawa nito ay sa pagpasok mo sa gate ng iyong bahay. dapat daw ay hindi maaaring matanaw ang pintuan ng iyong bahay. Kapag ito raw ay iyong natanaw, maaaring pumasok ang malas. Nagpupunta rin sila sa Temple upang manalangin sa kanilang diyos.
Kaya naman noong 31 Enero 2014, muli silang nagparada para sa pagdiriwang ng Chinese New Year. Nakiisa na rin ang mga Pilipino sa okasyong ito. At bilang mag-aaral sa isang Chinese school, nakisali rin ako sa pagdiriwang na ito. Mula Binondo hanggang Escolta ay naglakad kami upang makiisa. Mainit man at nakakapagod ay matagumpay naming natapos ang parada.
Ngayon pa lamang akong nakiisa sa ganitong pagdiriwang ng mga Chinese, nakita ko agad ang kanilang pagkakaisa at ang ating pakikiisa.
Para din itong mga pagdiriwang nating mga Pilipino. Ang kaibahan lang ay ang kanilang mga tradisyon at paniniwala.
No comments:
Post a Comment